>> GOV.PH | Transparency Seal | Bid Notices

HOME | ABOUT MPC | ADMISSION | ACADEMICS | PUBLICATIONS | DOWNLOADS <<


Nagtipon ang mga guro’t mananaliksik sa wika sa Marikina Polytechnic College noong ika-27 ng Agosto, 2026 upang idaos ang  simposiyum na pinamagatang, “Suri-Dunong 2026: Wikang Filipino at AI sa Makabagong Edukasyon.” Ginanap ang simposiyum sa bulwagang pangkaganapan sa ikalimang palapag ng gusaling pang-akademiko.

Nilayon ng naturang pagtitipon na suriin ang artikulasyon ng AI bilang kasangkapang heuristiko sa pananaliksik at ang estratehikong papel ng wikang Filipino sa pagpapanatili ng sosyo-kultural na pagkakakilanlan sa gitna ng teknolohikal na modernisasyon. Isinagawa ito kaugnay ng temang, “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.”

Binigyang-diin ni Dr. Glen R. Mangali, pangalawang pangulo para sa Academic, Technical Education and Skills Development, ang kahalagahan ng pagkakaroon ng etikal na pundasyon sa pagpapatupad at paggamit ng AI sa akademiya. “Ang AI ay isang kasangkapan lamang; hindi nito maipapalit ang kritikal na pagpapasya, integridad, at moral na pananagutan ng isang mananaliksik,” ayon kay Dr. Mangali sa kanyang pambungad na pananalita.

Nagsilbing pangunahing tagapagsalita si Ginoong John Enrico Torralba, Punong Mananaliksik sa Wika ng Komisyon sa Wikang Filipino. Sa kaniyang paksang “Wika at AI: Mula sa Pag-unawa tungo sa Pagkilos,” ipinabatid niya na ang konseptuwal na pag-unawa sa AI ay kinakailangang magbunga ng kongkretong hakbang na nagpapatibay sa pagpapahalaga sa tao sa ating pamanang kultural. “Ang pag-unawa sa AI ay dapat may kasamang responsableng aksyon, at kailangang gamitin ang teknolohiya nang may malinaw na layunin habang pinangangalagaan ang pagpapahalaga sa tao, pagkamalikhain, at kahalagahan ng wikang Filipino,” saad ni Gng. Torralba.

Sa mga sumunod na talakayan, ibinahagi ng mga guro ang iba’t ibang anggulo ng ugnayan ng wika at teknolohiya. Sa kaniyang paksang  “Ako at ang AI: Ang Tao pa rin ang Intelehente sa Makataong Pakikipagtalastasan,” ipinaliwanag ni Prof. Arvie DC. Tolentino na kahit may AI, ang tao pa rin ang nagbibigay ng tunay na kahulugan at malasakit sa pakikipag-usap.

Ipinaliwanag ni Prof. Leilani DL. Escalada sa kanyang ulat na pinamagatang “AI at mga Wika ng Pilipinas sa Pagpapaunlad ng Filipino” na hindi dapat bawasan ang lalim ng ating mga katutubong wika para lang makuha ang AI. Aniya, dapat tayong maging tagagawa ng sarili nating  teknolohiya sa halip na tagagamit lang ng gawa ng iba.

Tinalakay rin nina Dr. Maychilou I. Fabellar, Prof. Maria Criselda R. Santos, at Prof. Aurora T. Olegario ang paggamit ng AI sa pagpapanatili ng pamanang kultural at pagsusulong ng Filipino Sign Language. Inilarawan ni Prof. Olegario ang wika bilang “kaluluwa ng bansa” na dapat protektahan sa gitna ng modernisasyon sa digital na panahon.

Binigyang-diin ni Prof. Rosalinda L. Caballero sa kaniyang paksang “Mga Kaalaman sa Panahong Digital tungo sa Hinaharap” ang kahalagahan ng pedagohikal na paghahanda at digital literacy para sa mga guro at mag-aaral upang maging handa sa mga hinaharap na hamon ng teknolohiya.

Bilang pagtugon sa taunang pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, matagumpay na naisagawa ang simposiyum sa pamamahala ni Prof. Ma. Kristina G. Ignacio, Program Coordinator ng General Education. Nagsilbi namang tagapagdaloy ng pangkalahatang programa si Prof. Cecile Viscaya, Deputy Director para sa Extension Services at guro sa Departamento ng Wika.

Photos credit to Prof. Ma. Kristina Ignacio and Media Bureau

What do you feel about this post?

0
like

Like

1
love

Love

0
happy

Happy

0
haha

Haha

0
sad

Sad

0
angry

Angry

Leave a Reply

Discover more from Marikina Polytechnic College

Subscribe now to keep reading and get access to the full archive.

Continue reading