“Kahit malayo po ako, worth it naman po yung biyahe basta makapag-aral din sa MPC.”
Ito ang simpleng pahayag ni Shan Jorden P. Malambiling, isang bagong mag-aaral ng Bindtech Architecture Drafting Technology. Sa iilang salitang ito, naipahiwatig niya ang nararamdaman ng mga kapwa niya mag-aaral na dumalo sa Student General Assembly 2026 ng Marikina Polytechnic College noong Agosto 17, 2026. Kahit patuloy ang pagbuhos ng ulan sa araw ng Lunes, napuno pa rin ng kuwentuhan, tawanan, at pananabik ang ikalimang palapag ng Academic Building habang sabay-sabay nilang sinalubong ang taong panuruan 2026–2027 sa ilalim ng temang “MPC: Malasakit, Padayon, Conscientiousness – Sustaining Momentum for MPC Excellence.”
Para kay Sean Jordin, pangarap talaga niyang maging arkitekto. Kaya nang malaman niyang maganda ang turo at mga kurso sa MPC, hindi na siya nagdalawang-isip kahit medyo malayo ang biyahe.
Iba naman ang kuwento ni John Clarence B. Olep mula sa Pasig, na kumuha ng Automotive Technology. Sa kanyang kuwento, halos ayaw na niyang mag-aral ng kolehiyo, pero dahil sa paghihikayat ng mga dati niyang guro sa hayskul, naglakas-loob siyang sumubok muli.
“Hinikayat lang po ako ng mga dati kong guro sa hayskul, at ang sabi ko po ay susubukan ko. Tapos ‘yun, nandito na po ako ngayon. Sana po maging masaya ‘yung journey namin dito sa MPC,” kuwento ni John Clarence, na ngayon ay sabik nang makakilala ng mga bagong kaibigan at sumali sa mga organisasyon sa ilalim ng Office of Student Affairs.
Ibinahagi ni Engr. Sheila I. Villanueva, Executive Vice President, ang kahalagahan ng pakikipagkapwa sa mundong puno ng teknolohiya at Artificial Intelligence. Inihalintulad niya ang ugnayan ng bawat isa sa simpleng pag-abot ng pamasahe sa dyip upang ipakita na walang nakararating sa dulo nang mag-isa. Idinagdag din niya ang tatlong haligi ng institusyon.
“Ito ang diwa ng tema natin ngayon: Malasakit, Padayon, Conscientiousness. Ang malasakit ay hindi lamang sa pagiging mabait. ito ay pagkakita sa tao. Hindi bilang numero, hindi bilang hadlang, hindi bilang katunggali, kundi bilang taong may dignidad, may kuwento, at may bigat na maaaring dala-dala na pumapasok sa silid-aralan. Ang padayon ay pagpapatuloy. Tandaan, hindi kahinaan ang humingi ng tulong. Ang tunay na lakas ay ang marunong tumayo sa sariling paa habang nakaunat pa rin ang kamay sa iba. Ang konsensiya ay hindi lamang nagtatanong kung ‘Makakalusot ba ako?’ kundi ‘Tama ba ito, at may masasaktan ba?’ Magsuri bago magbahagi, at makinig bago humusga,” pahayag ni VP Villanueva.
Hinimok ni Dr. Glen R. Mangali (Vice President for Academic, Technical Education and Skills Development) ang lahat na maging aktibo sa kanilang akademikong buhay, at huwag lang maging degree holder.
“Samantalahin ninyo ang mga programa, organisasyon, laboratoryo, pagsasanay, pananaliksik, extension activities, industry exposure, at iba pang oportunidad na inihahanda ng ating institusyon. At higit sa lahat, alagaan ninyo ang inyong karakter. Dahil maaaring makuha ninyo ang pinakamataas na marka, ngunit kung wala kayong integridad, pananagutan, respeto, at malasakit, kulang pa rin ang tunay na edukasyon,” saad ni VP Mangali.
Binigyang-diin ni Dr. Marie Luvett I. Goh (Dean of College of Engineering) ang kahalagahan ng pagtitiwala at pagtutulungan sa gitna ng hamon ng buhay-estudyante. Aniya, “Sa bawat pagsisikap, gawin natin ang ating makakaya at ipagtiwala natin sa Diyos ang mga bagay na hindi natin kayang kontrolin. Maaaring magkakaiba ang ating bilis at magkakaiba ang ating mga hamon, ngunit kapag may malasakit at pagtutulungan, sama-sama tayong magtatagumpay. Sapagkat dito sa MPC, walang maiiwanan dahil bawat MPCian ay kasama.”
Ipinaunawa naman ni Dr. Christian Canlas (Dean of College of Technology and Lifelong Learning) sa mga mag-aaral ang kahalagahan ng edukasyon upang magamit nila ang kanilang potensiyal sa paghubog ng kanilang magandang kinabukasan.
“Nawa’y ang Student Assembly na ito ay magsilbing paalala na hindi lamang tayo mga indibiduwal na mag-aaral na naghahabol ng sarili nating mga layunin. Tayo ay isang komunidad ng MPC. Kapag tinutulungan natin ang isa’t isa, nakikinig sa isa’t isa, at nagtutulungan, makalilikha tayo ng makabuluhang pagbabago,” pahayag ni Dr. Canlas.
Ipinagmalaki sa Unity Parade ang 12 aktibong organisasyon ng Sintang Dalubhasaan sa pamamagitan ng Balai Kiosk. Sa kabila ng pagkaantala ng ilang programa dahil sa masungit na panahon, nanatiling magkakasama ang buong komunidad sa loob ng gusali. Ika nga ni Prof. Rialita A. Villareña (Director for Student Affairs Office), “Kahit umuulan, buo pa rin ang komunidad. Nandito pa rin tayong magkakasama kahit patuloy ang pagragasa ng ulan.”#
More photos here:
https://drive.google.com/drive/folders/1ywSHa3f6ZLO1PvtV67vqKnS1oWkjQ7mK
What do you feel about this post?
Like
Love
Happy
Haha
Sad

Leave a Reply